Monday, February 2, 2009

Taghoy ng isang estudyante (Uno!)

Date: 01, 29, 2008
Time: 8:39am
Setting: S324


Kinakain na naman nya ako (tingin sa paligid) MALI!, hindi lang pala ako...


Sa isang silid sa gusali ng Silang, same set-up, papasok ako ng kaibigan ko nagdadaldal na ang instructor ko, pangalanan na lang natin siya Sir.Dark (literally yan ang kulay nya...), Remote Procedure Call, Distributed System, Client – Server Architecture, WHATEVER!. Hindi pa din siya tumitigil magkwento kahit alam nyang mga labing-isa lang ang nakikinig sakanya sa bilang ng dalawampu’t pitong estudyante nya (late kasi yung iba, dapat singkwenta kami).

Ginagawa ng mga kamag-aral ko? Sa likod ko ngayon nagtetext (tiktiktik.. tunog ng keypad habang kinikilig siya), tawagin na lang natin siya sa pangalang Kitty“kitext”. Nasa tabi ko naman, sa kanan, gumuguhit at naglelettering ng walang kamatayang pangalan niya, Ay! sinama niya din ang pangalan ko at ng iba pa naming kasamahan (pero infairness maganda), tawagin natin siyang Mr.Karir (pag nabasa mo to at napagtanto mong ikaw to, wala lang, gusto ko lang yan ang tawag sayo). Paano naman ang katabi ko sa kaliwa? Wala pa, late lagi yun at sa tuwing darating sa klase ay bitbit ang kanyang violin, tawagin ko siyang Ms.Ideal (oo yan na lang naisip ko kasi wala akong masabi sakanya, maganda,mabait at matalino, uiiii. Wateber!..). May biglang pumasok na kamag-aral habang kumakain ng mansanas at umupo sa likuran, pakiramdam niya siguro picnic lang ang pupuntahan niya (naiinggit ako, nagugutom kasi ako, hindi ko masyadong nagustuhan ang agahan ko. Ayoko na banggitin kung ano yung menu!), AKO? katulad ng mga kamag–aral ko, hindi nakikinig, nagsusulat ng isang akda (na umaasang matapos bago ang klase ng mabasa agad), si Sir.Dark ay binabalahura. Pare-parehas kami nilamon ng “DISTRACTION”.


Tumingin ako sa kabilang gusali, sa Perfecto, nakita ko ang isang klase at napansin kong ganun din ang isang estudyante sa klaseng iyong, wala din ang isip sa kanyang silid-aralan. Gusto ko siyang batuhin ng bote ng mineral water (Nature’s Spring ung tatak...) na baon ko at sabihing “Hoy!, isa ka sa amin, hindi ka din nakikinig, siguro gusto mo na din umuwi?

Nagcheck ako ng phone (umilaw ang backlight at nakita ko ang wallpaper na nakalagat “WiLL” naks!), walang nagtext kahit isa. Hinihintay kong text wala pa, naalala ko hindi nga pala siya maaring makapagtext ngayong oras, Haiiii, kailangan ko huminga ng malalim tapos masasabi ko na lang sa sarili ko na sabik na akong makita Siya. Tuldok!.


Habang pagala-gala ang mata ko at naghahanap ng mapagbubuntunan ng kaboringan, “OASIS” (basang basa ko kahit ang pangit ng sulat) nakavandal sa pader ng silid-aralan namin. Naisip ko bigla ang isang tipikal na Oasis sa disyerto, isang paraiso sa gitna ng nagniningning na buhangin kasabay ang pagmamayabang ng lakas ni haring araw. Sinabi ko sa sarili ko “Makakarating at madarama ko ba ang dalisay na tubig doon?”, biglang may bumulong sakin “Paano ka makakarating sa paraisong ninanais mo kung hindi ka makikinig kar Sir.Dark?”. Sa una sinagot ko siya ng “Ano koneksyon ng paraiso kay Sir.Dark?”.

KASHOOOONG! Bigla akong bumalik sa tunay na mundo, nakabalik ako, ganun pa din nagkkwento pa din si Sir.Dark tapos biglang nasa tabi ko na sa kaliwa si Ms.Ideal. Si Kitty“kitext” hindi na nagttext, tumigil na siya, hindi na siguro nakarehistro sa unlimited texting yung katext nyang kinikilig siya. Nakikipagututang dila na lang siya sa bestfriend forever niya, topic nila? mga crushes pa din (patagong kinikilig sila habang naguusap). Si Mr.Karir naman tapos na yung ginuguhit niya, ginagawa naman ngayon? Kinukuhaan ng litrato. Si Ms.Ideal naman, wala, nakatingin lang kay Sir.Dark habang bitbit ang kanyang violin at pinaalalahanan kong bawal mahuli sa klase sa susunod na pagkikita dahil may maikling pagsusulit (tinandaan ko lang yung importante talagang sinabi ni Sir. Naks!). Yung kumakain ng mansanas sa likod, kapansing-pansin na naubos niya at nag enjoy sya, mga buto kasi’y dala niya. Yung estudyante sa kabilang gusali nakikinig na (buti pa siya...) Kami?, wala, walang pagbabago pare-parehong nilalamon pa din ng kanya-kanyang “DISTRACTION”.

No comments: